Nagsasagawa na ng clearing operations ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na unang sinalanta ng Bagyong Ambo.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, tumulong sa clearing operations ang PNP sa bayan ng Taft sa Eastern Samar maging sa mga bayan ng Lope de Vega at San Isidro sa Northern Samar.
Inalis ng mga pulis ang mga puno na bumagsak sa mga kalsada para muling madaanan ng mga bumabyahe na nagdadala ng mga produkto at ayuda sa mga apektado ng bagyo.
Tumulong din ang PNP sa pagre-repack ng relief goods Northern Samar Provincial Capitol para ipamahagi sa mga apektado ng Bagyong Ambo.
Matatandaang una nang ipinag-utos ni PNP Chief Police General Archie Gamboa sa mga police unit na daraanan ng bagyo na maging handa at alerto para magbigay ng ayuda sa mga nangangailangan ngayong panahon ng bagyo.