Nakapagbigay na ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ng shortlist o 22 pangalan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siyang bubuo sa itatatag na 5 man committee na sasala sa mga colonel at general na dawit sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang mga ito ay mapagkakatiwalaan, may kredibilidad at may alam sa pagpapatakbo ng Pambansang Pulisya.
Bagama’t hindi na nito isiniwalat pa kung sino-sino ang pasok sa shortlist, binigyang-diin nito na maaari pa ring kumuha ang presidente ng wala ang pangalan sa listahan.
Sa ngayon, sumasailalim pa sa ebalwasyon ng pangulo ang mga nakapaloob sa shortlist kung saan target itong mabuo agad para makapagsimula na ng kanilang trabaho.
Kanina, matatandaang nakagsumite na ng kaniyang courtesy resignation si PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., kasama ang kaniyang command group maging ang ilang high ranking officials ng PNP.
Samantala, sinabi pa ni Azurin na binibigyan niya ng hanggang January 31 ang mga koronel at heneral para maghain ng kanilang courtesy resignation.