PNP Naguilian, Nag-inspeksyon sa mga Warehouse!

*Naguilian, Isabela- *Naging matagumpay ang isinagawang taunang surprise inspeksyon ng PNP Naguilian sa kanilang nasasakupan sa pangunguna ng hepe na si Police Senior Inspector Garry Macadangdang katuwang ang PDEA.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Garry Macadangdang, alas nuebe ng umaga kahapon nang sinimulan ang surprise inspeksyon sa mga warehouse kasama ang mga K9 dogs at natapos ito bandang alas dose na ng tanghali.

Negatibo naman anya ang naging resulta ng kanilang inspeksyon dahil wala silang narekober na anumang ipinagbabawal na gamot sa kanilang mga nasuring warehouse.


Layon anya ng kanilang inspeksyon na matiyak ang mga establisyimento na walang nakakalusot sa kanilang nasasakupan na gumagawa ng shabu at mapaalalahanan rin ang mga business owners kaugnay sa kanilang mga dokumento.

Nagpapasalamat naman ang hepe dahil sa ipinakitang kooperasyon ng mga residente at mga may-ari ng warehouse hinggil sa kanilang mga ipinapatupad na aktibidades.

Samantala, patuloy pa rin anya ang kanilang isinasagawang drug clearing operation at maigting na Checkpoint kaugnay pa rin sa nalalapit na 2019 midterm elections.

Giit pa ni PSI Macadangdang, inaasahan na magiging payapa ang gaganaping eleksyon sa May 13, 2019 dahil wala na umanong makakalaban ang tumatakbo sa pagka-alkalde ng bayan ng Naguilian.

Facebook Comments