PNP, naka alerto kasunod ng nalalapit na anibersaryo ng teroristang grupong NPA

Naka alerto ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng ika-54 na anibersaryo ng teroristang grupong New People’s Army bukas, March 29, 2023.

Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., naglabas na siya ng direktiba sa lahat ng PNP units sa buong bansa para maging alerto sa posibilidad na pag-atake ng NPA.

Ani Azurin, maaari kasing magpakitang gilas ang rebeldeng grupo upang maghasik ng takot at palabasing malakas pa ang kanilang pwersa na sa katunayan aniya ay iilan na lamang ang mga kasapi nito.


Partikular na tinututukan ng pinagsanib pwersang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Masbate na kailan lang ay binulabog ng NPA.

Sinabi ni Azurin na nasa 900 mga pulis ang nakakalat ngayon sa Masbate upang tugisin ang mga sumalakay sa bayan ng Placer at Dimasalang na nagresulta sa pagkasugat ng 2 pulis at 2 sundalo at nag-iwan ng trauma sa mga estudyante at guro.

Giit ng opisyal, ang patuloy na paghahasik ng takot ng teroristang grupo ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao at sa international law gayundin ang paggamit ng mga ito ng anti-personnel mines na matagal ng ipinagbabawal sa ilalim ng International Conventions on Warfare.

Facebook Comments