Kasunod ng isasagawang isang linggong transport holiday na inorganisa ng ilang grupo ng transportasyon, isinailalim ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang status sa heightened alert partikular sa kalakhang Maynila.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Red Maranan, 80% ng puwersa ng pulisya ang naka-duty para magbigay ng tulong at seguridad sa commuters na maaapektuhan ng tigil pasada.
Aniya, magpapakalat ang PNP ng mga pulis sa mga terminal at iba pang sakayan para makapagbigay ng kaukulang seguridad sa mga mananakay.
Una nang inanunsyo ng PNP na mag-aalok sila ng libreng sakay sa mga maii-stranded na mga pasahero.
Palagi anilang nag-aalok ang Pambansang Pulisya ng libre sakay sa twing may ganitong transport strike upang umagapay sa mga commuters.
Base sa plano ng ilang transport sector, isang linggo ang ikakasa nilang tigil pasada simula ngayong araw, Marso a-sais kung saan mariin nilang tinututulan ang naka ambang pag-phaseout ng mga traditional jeepneys.