
Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) para sa pagsisimula ng Simbang Gabi bukas, Disyembre 16 at matatapos sa Disyembre 24.
Inaasahang milyon-milyong debotong Katoliko ang lalahok sa nasabing misa sa loob ng siyam na araw bago ang Pasko.
Dahil dito, naka-heightened alert na ang lahat ng mga police unit sa buong bansa bilang paghahanda para sa nasabing aktibidad.
Ayon kay PNP Acting Chief Police Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr., mahigit 70,000 pulis ang ide-deploy sa mga pangunahing simbahan at matataong lugar, kung saan inatasan na rin niya ang mga police commanders na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga magsisimba.
Kaugnay nito, paiigtingin ng PNP ang foot patrols, checkpoints, at mobile units sa paligid ng mga simbahan, pati na rin ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at awtoridad ng simbahan para sa crowd management.
Pinaalalahanan naman ni Nartatez ang publiko na maging mapagmatyag, ingatan ang kanilang mga gamit at i-report agad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.










