Magde-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng sapat na pwersa para matiyak na maayos ang mga huling araw ng paghahain ng mga Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Ayon kay PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga kandidato para sa last minute filing bago ang deadline bukas, October 8.
Inatasan na niya ang mga regional at provincial director na mag-standby ng mga tauhan para sa anumang kaganapan.
Una na ring nanawagan ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato na huwag nang hintayin ang deadline para maiwasan ang pagkakaroon ng pila sa mga filing center.
Apela rin ni Eleazar sa mga kandidato na huwag gawing superspreader event ang filing sa pamamagitan ng pagdadala ng maraming supporter at sumunod sa health protocols.
Samantala, iniulat ni PNP chief na sa pangkalahatan ay naging maayos ang unang 6 na araw ng filing sa buong bansa.