Mahigpit ang ginagawang monitoring ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa Maguindanao del Sur.
Ito’y matapos mapatay sa pinagsanib na operasyon ng PNP at Armed Force of the Philippines (AFP) nitong linggo ang 7 myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)-Karialan Faction.
Ayon kay PNP PIO Chief PBgen. Red Maranan, dahil maraming bilang ang nalagas, hindi nila isinasantabi ang posibleng paghihiganti ng BIFF.
Kaya naman, pinaghahandaan na ito ng Police Regional Office Bangsamoro (PROB) na isinailalim na sa full alert.
Kaugnay nito, sinabi ni Maranan na nagpunta na mismo si PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. sa Maguindanao del Sur para tingnan ang sitwasyon doon.
Bago kasi ang engkwentro ay dalawang pulis ang nasawi at apat ang sugatan sa nangyaring ambush noong Huwebes ng gabi.
Sa ngayon, maigting ang checkpoint at intelligence gathering ng PNP sa Maguinadanao del Sur.