Makikipagtulungan ang Philippine National Police (PNP) kay forensic pathologist Dr. Raquel Fortun upang mas mapaghusay pa ang mga gagawin nilang forensic examinations sa hinaharap.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Red Maranan, inatasan na ni Police Chief General Rodolfo Azurin Jr., ang forensic group ng PNP na makipagtulungan kay Fortun lalo na’t may nasilip itong butas sa resulta ng autopsy report sa drug war victim na si Kian delos Santos.
Base kasi sa re-autopsy na isinagawa ni Dr. Fortun sa katawan ni Kian, nakakuha ito ng bala sa leeg ng biktima na hindi nakita noong nagsagawa ng awtopsiya ang PNP at Public Attorney’s Office, limang taon na ang nakakaraan.
Kinuwestyon din nito ang resulta ng autopsy ng Public Attorneys Office (PAO) dahil bigo itong tukuyin na mayroong limang butas sa katawan ni Kian na mistulang entry o exit points ng bala ng baril.
Kasunod nito, nanindigan ang PNP na sumunod lamang sila sa standard operating rules and procedures sa pagsusuri nito sa bangkay ni Delos Santos noong 2017.
Matatandaang napatay si Kian delos Santos ng mga pulis nuong August 16, 2017 sa kasagsagan ng giyera kontra iligal na droga sa Caloocan City kung saan naging kontrobersyal ito dahil iba ang official police reports mula sa mga naging testigo ng krimen at kuha mula sa CCTV.