Labing apat na insidente ng karahasan ang naitala ng Philippine National Police (PNP) mula nang magsimula ang election period noong January 9.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, dalawa lamang sa mga insidenteng ito ang kumpirmadong election related incident.
Ito aniya ang nangyaring harassment sa Region 1 kung saan nasampahan na nang kasong grave threat ang mga suspek, pangalawa ay ang nangyaring pagsabog sa Bangsamoro Autonomous Region o BAR na naging biktima ang vice governor na kandidato sa pagka-mayor at asawa nito noong February 22.
Samantala, itinuturing ng PNP na malaking hamon sa kanila ang pagbabantay sa seguridad sa pagsisimula ng kampanya sa mga local candidates dahil mas matindi ang labanan sa pulitika sa mga lalawigan.
Dahil dito inutos ni PNP Chief General Dionardo Carlos sa mga local police commanders na magsagawa ng maayos na deployment ng mga tauhan.
Kabilang sa mga rehiyon na mahigpit na tinututukan ng PNP ay ang Region 5, 8, 12, 13 at BAR.
Habang patuloy naman na isinasailalim sa validation ang mga lugar na isasama sa election hotspots.