Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng walong hinihinalang election-related incidents bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo kung saan kabilang sa naitala nila ay ang insidente ng pamamaril at pananaksak sa Bicol Region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula at Soccskargen.
Isasailalim pa aniya ang mga ito sa berepikasyon ng Joint Peace and Security Coordinating Council upang matukoy kung maituturing na election-related incidents.
Nabatid na sa walong insidente, isa ang nakumpirmang may kinalaman sa halalan na nangyari sa Libon, Albay kung saan ang biktimang si Alex Repato ay isang re-electionist na kapitan ng Barangay San Jose ay binaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa kanyang tahanan.
Tinitingnan din ng pulisya ang isa pang insidente sa Malabang, Lanao del Sur kung saan pinigilan umano ang isang kandidato na makapaghain ng kanyang certificate of candidacy (COC).