Sa kabila ng panawagan ng Philippine National Police (PNP) na gawing online ang mga kilos protesta, nakapagtala pa rin sila ng aabot sa 1,790 na mga raliyista sa buong bansa sa ginanap na ika-limang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, ang halos 2,000 mga raliyistang ito ay sumunod sa quarantine protocols na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Agad silang nagdisperse matapos ang ibinigay na oras sa kanila para ilabas ang kanilang mga saloobin sa gobyerno.
Sa monitoring ng PNP, ang halos 2,000 mga raliyista ay namonitor sa University of the Philippine (UP) Diliman, Commission on Human Rights main gate, Barugo Road sa Caloocan City, Plaza Rizal sa Naga City Camarines Sur, Legazpi City sa Albay, Freedom Park sa Virac, Catanduanes at sa Baguio City.
Pinuri naman ni PNP Chief Police General Archie Gamboa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at ang Quezon City Local Government Unit dahil sa pinairal na maximum tolerance para mahigpit na maipatupad sa mga protesters ang mga quarantine protocols.