Bibili ang Philippine National Police (PNP) ng CCTV Rapid Deployment System para magamit sa anti-terrorist operations.
Ito ay matapos ang pagsisimula ng paggamit ng mga pulis ng mga bagong biling body camera.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang CCTV rapid deployment system ay binubuo ng 10 deployable CCTVs na may artificial intelligence, video management system, 10 CCTV mobile trailers at 10 generators, na pandagdag sa kapabilidad ng PNP Command Center.
Ang bawat camera ng CCTV ay maaring maka-load ng 200 larawan ng mga wanted na kriminal at gagamit ito ng facial recognition para matukoy ang mga target mula sa grupo ng ng mga tao.
Ang CCTV Rapid Deployment system ay nagkakahalaga ng P60 milyon, na kukunin mula sa P45 milyon natipid sa pagbili ng body camera, at 19 milyong natira sa improvement ng PNP Command Center.
Sinabi ni Eleazar na dahil natitipid nila ang kanilang pondo, nakakabili ang PNP ng mas maraming gamit na nakakatulong para mas mapahusay ang kanilang serbisyo sa mga mamamayan.