Inaasahang matatanggap ng National Bureau of Investigation (NBI) ngayong araw ang ebidensyang nakalap ng Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon nito sa pagkamatay sa flight attendant na si Christine Dacera.
Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra habang nireresolba ng Makati City Prosecutor’s Office ang rape with homicide complaint ng PNP na inihain laban sa 11 lalaki dahil sa pagkamatay ng dalaga.
Ayon kay Guevarra, kabilang sa mga ibabahaging ebidensya ng PNP ay ang specimens, garments, mobile phones sa NBI.
Pagkatapos nito, inaasahang makukumpleto at maisasapinal ng NBI ang report nito.
Si Dacera ay natagpuang patay sa bath tub sa kanyang kwarto sa City Garden Grand Hotel sa Makati City kung saan niya ipinagdiwang ang bagong taon kasama ang kanyang mga kaibigan.