Magsasagawa ng press conference ngayong araw ang Philippine National Police (PNP) matapos ang matagumpay na pag-aresto sa founder ng KAPA Community Ministry na si Joel Apolinario at 23 iba pa sa Surigao Del Sur.
Nabatid na naglabas ang Bislig Regional Trial Court Branch 29 ng arrest order laban kay Apolinario, katiwala nitong si Margie Danao, corporate secretary na si Reyna Apolinario, at mga promoters nito na sina Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Reniones Catubigan.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, si Apolinario ay naaresto ng pulisya nang lusubin ng mga awtoridad ang isang isolated resort island sa Sitio Dahican sa Barangay Handamayan sa bayan ng Lingig.
Sinabi naman ni CARAGA Regional Police Commander, Brigadier General Joselito Esquivel, hindi naging madali ang pag-aresto kay Apolinario dahil nagkaroon pa ng palitan ng putok sa pagitan ng mga bodyguard nito at ng pulisya.
Dalawa sa 21 bodyguards ni Apolinario ang napatay sa operasyon habang may isa sa tauhan nito ang nasugatan at agad idinala sa ospital.
Narekober sa crime scene ang 30 units ng M16 rifle, dalawang M4 rifle, isang Garand rifle, tatlong 60 caliber machine gun, isang 50 caliber sniper rifle, tatlong caliber 22 rifle, isang carbine, isang shotgun, dalawang RPG, limang caliber 45 pistol at samu’t saring bala.
Mahaharap ang mga KAPA officers ng paglabag sa Securities Regulation Code.
Inakusahan ng Securities and Exchange Commission ang KAPA sa paghihikayat sa publiko na mag-invest ng nasa 10,000 pesos sa organisasyon kapalit ang 30% return kada buwan.
Ilang buwang nagtago si Apolinario matapos siyang ituro ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa finance-investment racket.
Una nang itinanggi ni Apolinario na ginagamit niya ang KAPA para kumita ng pera sa pamamagitan ng kanyang mga miyembro.