PNP, nakatutok na sa Translacion kasunod ng mapayapang holiday season

Nakatutok na ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa paghahanda ng seguridad sa paparating na Pista ng Itim na Nazareno sa Enero a-9 kasunod ng mapayapang holiday season.

Ayon kay Acting PNP Chief Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr, tinatapos na ng Manila Police District ang mga security protocol para sa Translacion.

Dagdag pa nya, January 2 pa lamang ay may naka-deploy na ang mga pulis sa barangay visitation sa Quiapo District, sa pagbabasbas ng mga replika ng Jesus Nazareno, sa pabihis, at sa mga misa sa umaga at sa pista.

Kaugnay nito, nagsisimula na rin ang koordinasyon ng PNP sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa simbahan ng Quiapo at sa lahat ng mga stakeholders.

Matatandaan na nasa 15,000 pulis ang nakatakdang i-deploy sa buong Lungsod ng Maynila at mga karatig na lugar para sa Translacion.

Samantala, wala namang namonitor ang PNP na anumang banta kaugnay ng nasabing relihiyosong pagdiriwang.

Ngunit tiniyak ng ahensya na mananatiling mahigpit ang pagbabantay ng pulisya sa seguridad ng mga milyon-milyong debotong lalahok sa nasabing aktibidad.

Facebook Comments