Nakiusap si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., sa lahat ng mga magpaplanong sumama at magkasa ng kilos protesta sa ika-2 State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa July 24 na huwag nang mamato ng pintura.
Ayon kay Acorda, ito’y bilang respeto na rin sa uniporme ng mga pulis.
Aniya, mahirap kasing makabili ng bagong uniporme at dagdag pa ito sa kanilang gastusin.
Paliwanag ng PNP chief, papayagan naman ang mga ito na magprotesta kasabay ng pagtitiyak na patuloy ang ginagawang paghahanda ng PNP para sa naturang aktibidad upang matiyak ang seguridad at kapayapaan.
Kabilang na rito ang patuloy na pagsasagawa ng threat assessment ng Pambansang Pulisya.
Una nang sinabi ng PNP na magpapakalat sila ng sapat na pwersa sa ikalawang SONA ni PBBM.