PNP, nanawagan sa mga raliyista na gawin ang protesta sa social media para sa gaganaping SONA ng pangulo

Umapela si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Archie Francisco Gamboa sa mga nagpaplanong magsagawa ng rally sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, na gawin na lamang sa social media ang protesta.

Ayon kay PNP Chief, pinapayagan ng mga pulis ang mga tradisyunal na kilos protesta sa SONA ng Pangulo sa mga nagdaang taon bilang pagkilala sa freedom of expression.

Pero dahil nagbago ang sitwasyon dahil sa COVID-19 pandemic, ipinagbabawal na ngayon ang mga mass gatherings.


Sinabi ni PNP Chief na tradisyunal na ipinaiiral nila ang maximum tolerance sa mga raliyista, pero dahil sa sitwasyon, kailangang balansehin ng PNP ang kanilang mga aksyon sa mga umiiral na Health protocols.

Giit ni Gamboa na maaari parin namang ihayag ng mga protesters ang kanilang mga saloobin, sa pamamagitan ng social media, nang hindi na kailangang magtipon-tipon pa sa kalye.

Umaasa si Gamboa na makikipag-tulungan ang iba’t ibang mga civic groups, para sa kapakanan ng sambayanan.

Sa ngayon may inilatag ng seguridad ang PNP sa loob at labas ng Batasang pambansa sa Quezon City na inaasahang gagawin ang SONA ng pangulo.

Facebook Comments