PNP, nangakong igagawad ang hustisya sa pagkakapatay sa isang binatilyo sa Navotas City na biktima ng mistaken identity

Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na bibigyang hustisya ang pagkakapatay kay Jerhode Jemboy Baltazar na biktima ng mistaken identity sa Navotas city.

Ayon kay PNP-PIO Chief PBGen. Red Maranan, magiging patas at mabilis din ang itatakbo ng imbestigasyon.

Sinabi pa nito na hindi kinokonsinte ng Pambansang Pulisya ang mga maling gawain ng kanilang mga tauhan.


Una dito, dinis-armahan at nasa ilalim na ng restrictive custody ang nasa anim na Navotas City police officers na kinabibilangan ng isang police executive master sergeant, 3 staff sergeants, 2 corporals, at 1 patrolman kung saan nahaharap narin ang mga ito sa mga kasong administratibo at kriminal partikular na ang reckless imprudence resulting in homicide.

Matatandaang nagsagawa ng hot pursuit operation ang ilang tauhan ng Navotas City Police nuong Aug. 2 kung saan hinahanap nila ang isang Reynaldo Bolivar matapos masangkot sa murder nang makita nila ang biktima at kasamahan nito na lulan ng bangka.

Sa takot, tumalon umano ang biktimang si Baltazar at doon na siya pinagbabaril ng mga awtoridad dahilan ng kanyang kamatayan.

Facebook Comments