PNP, nangakong papanagutin ang mga pulis sa San Juan na sangkot sa pagnanakaw ng bisikleta

Pinag-aaralan na ng Pambansang Pulisya ang kaso laban sa mga pulis sa San Juan na dawit sa pagnanakaw ng mga imported na bisikleta.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Brig. General Roderick Augustus Alba kanyang pag-aaralan ang nature ng kaso at kung ano ang estado nito.

Samantala, siniguro naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Public Information Officer Police Lieutenant Colonel Jenny Tecson na kung mapapatunayang may sala ang ilang mga sangkot na pulis ay ipaghaharap nila ito ng kasong kriminal at administratibo.


Sa ngayon ani Tecson, ang mga inaakusahang pulis San Juan ay ni-relieve na sa pwesto at ni-reassign sa station admin holding unit, dinisarmahan at isinailalim na sa restrictive custody habang inihahanda yung mga kaukulang reklamo laban sa mga ito.

Kasunod nito, nagpaalala ang Pambansang Pulisya sa mga kawani nito na magsilbi nawa itong aral at babala dahil hindi kailanmam kukunsintihin ng PNP ang mga ganitong maling gawain.

Sa nasabing insidente, 30 imported na bisikleta ang natangay kung saan nagkakahalaga ito ng ₱600,000.

Isa sa mga CCTV footage nito, huli na isinasakay ng suspek ang ilang bahagi ng bike sa police mobile ng San Juan PNP.

Facebook Comments