Nagbigay na ng ‘go’ signal ang National Police Commission (NAPOLCOM) para sa Philippine National Police (PNP) na mag-hire ng 16,149 na bagong pulis bilang bahagi ng hakbang ng gobyerno na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman and Executive Officer Rogelio Casurao, ang pagdadagdag ng pulis ay layong mapigilan ang paghina ng police force bunga ng re-organization, pagbuo ng mga bagong opisina o units at mga nababakanteng posisyon.
Dagdag pa ni Casurao, ang karagdagang 10,000 pulis ay nasa ilalim ng regular recruitment program na layong maabot ang international standard na 1:500 o isang pulis sa bawat 500 katao.
Ipakakalat ang 10,000 bagong recruit sa PNP Mobile Forces sa lahat ng Police Regional Office (PROs), kabilang sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at ilang piling National Support Units (NSUs) at iba pang tanggapan.