
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na nananatiling buo ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at walang natatanggap na panawagan upang ito’y bawiin.
Ayon kay acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., walang opisyal, aktibo man o retirado na lumapit sa kanya o sa alinmang tauhan, regional director, at commander para kuwestiyunin ang pamumuno ng Pangulo kaugnay sa isyu ng katiwalian.
Giit ni Nartatez, malinaw na si Marcos ay halal ng mayorya ng mga Pilipino, kaya’t walang dahilan para kwestyunin ang kanyang pamumuno.
Dagdag pa niya, nananatiling mataas ang morale ng mga pulis at patuloy nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Nilinaw rin ng opisyal na hindi kailangan ng loyalty check sa hanay ng kapulisan.
Matatandaang una nang inamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na may ilang retiradong opisyal ng militar na nagtangkang kumbinsihin siya na bawiin ang suporta kay Marcos dahil sa isyu ng korapsyon.









