Kumpyansa ang Philippine National Police (PNP) na sinunod nila ang proseso sa pag-aresto sa road rage suspect na si Gerard Yu.
Ito ang binigyang diin ni PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo matapos lumabas ang pagdududa ng ilan na mababasura lamang ang mga kasong isinampa laban dito dahil sa warrantless arrest.
Ani Fajardo, sa ilalim ng batas ay dapat ang mga humuli sa suspek ay mayroong personal knowledge sa krimen.
Binigyang diin ni Fajardo, makaraan ang insidente noong Lunes ay agad nagkasa ng manhunt operation at follow up investigation ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip kay Yu.
Inaasahan namang naisampa na ang patong-patong na kaso laban kay Yu tulad ng murder, paglabag sa RA 4136 dahil sa paggamit nito ng iligal na plaka at RA 10591 dahil sa pagdadala ng baril na walang Permit to Carry Firearms outside of residence o PTC.