Wala nang dahilan pa para muling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Negros Oriental.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., handa ang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magbigay ng sapat na seguridad sa lalawigan.
Matatandaang umapela ang local executives sa lalawigan sa Commission on Elections (COMELEC) na ipagpaliban ang BSKE sa Negros Oriental dahil sa nangyaring pagpatay kay Governor Roel Degamo.
Nangangamba kasi ang mga lokal na opisyal na posibleng tumaas ang tensyon dulot ng away politika kasunod ng pagkakapatay kay Gov. Degamo.
Sinabi pa ni Acorda na nagtungo siya sa Negros Oriental para sa isang joint peace agreement upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang nalalapit na halalan.
Una na ring sinabi ng PNP na hindi makaka-apekto sa ginagawang paghahanda ng Pambansang Pulisya ang naging desisyon ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang pagpapaliban sa BSKE sa Oktubre.
Sa katunayan mayroong on-going na coordination meeting ang PNP kasama ang COMELEC at iba pang sangay ng pamahalaan upang matiyak na walang magiging aberya sa nalalapit na halalan.