Humina na ang suplay ng iligal na droga sa bansa.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) OIC PLt. Gen. Rhodel Sermonia kasunod nang paglulunsad kahapon ng “Buhay ingatan droga’y ayawan” o BIDA Program sa Kampo Krame.
Ayon kay Sermonia, kung dati-rati ay may nahuhuli ang mga awtoridad na napakarami o tone-toneladang droga at drug laboratories, ngayon ay iba na ang sitwasyon.
Aniya, epektibo ang ginagawang whole of government approach ng pamahalaan sa pagsugpo ng iligal na droga sa bansa.
Kasunod nito, tiniyak ng PNP na mas paiigtingin pa ang paglaban sa iligal na droga kung saan tututukan nila ang demand at supply reduction.
Paliwanag pa ni Sermonia, puspusan ang gagawing paghuli ng kapulisan laban sa mga supplier at nagbebenta ng droga at isasailalim naman sa rehabilitasyon ang mga drug dependent.
Dahil dito, kumpyansa ang opisyal na makakamit ang drug free Philippines basta’t magtutulungan ang bawat isa.