
Napigilan ng mga operatiba ng Philippine National Police ang tangkang pagnanakaw ng mga myembro ng tinatawag na “termite gang” sa isang Pawnshop sa Congressional Road, Barangay San Gabriel, GMA, Cavite kahapon.
Ayon sa GMA Municipal Police Station, nakakuha sila ng report mula sa 911 hotline patungkol sa mga hinihinalaang nanloob sa nasabing establisyamento kung saan agad itong nirespondehan ng nasabing istasyon.
Pwersang pinasok ng mga pulis ang nasabing pawnshop kung saan tumambad sa kanila ang isang butas sa tabi ng vault at nakadiskubre pa sila ng isa pang butas sa ilalim naman ng vault room, indikasyon na may isinasagawang tunnelling operation .
Gayunpaman, nananatiling naka-intact ang vault at walang pera o mga alahas ang nakuha sa beripikasyon ng branch manager.
Narekober sa isang kalapit na manhole ang isang drainage system na konektado sa nasabing underground tunnel ang tatlong acetylene tanks na may hose, isang gunting, dalawang hydraulic jacks at dalawang siopao mula sa isang convenient store.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga sangkot sa nasabing insidente at nakikipagugnayan na rin sila sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa pagsusuri sa nasabing crime scene.
Habang nirereview na rin ang lahat ng mga CCTV footages para makita ang galaw ng mga suspek at ang pakikipagugnayan na rin sa mga kalapit na barangay sa posibleng tinutuluyan ng mga suspek.










