PNP, nasita sa Senate hearing dahil sa agad na pag-embalsamo bago ang otopsiya sa bangkay ni Christine Dacera

Nakatikim ng sermon ang Philippine National Police (PNP) mula kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa ginawang pag-embalsamo sa bangkay ng flight attendant na si Christine Dacera bago isailalim sa otopsiya.

Ayon kay Dela Rosa na dating hepe ng PNP at ngayon ay Chairman ng Committee on Public Order, kahit hindi eksperto sa imbestigasyon ay dapat alam na kailangang mauna ang otopsiya bago ang pag-embalsamo sa bangkay.

Para kay Dela Rosa, malaking tanong ang pagkakamaling nagawa sa bangkay ni Dacera at hindi na ito dapat maulit lalo na sa kontrobersyal na kaso.


Sa pagdinig ukol sa pagbuo ng forensic database ay iginiit ni Dela Rosa na dapat kasuhan dahil nakakahiya ang mga nasa likod ng kapalpakan sa imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant.

Isinumbat pa ni Dela Rosa na ang mga forensic expert ng PNP ay sumailalim sa malawak na training sa ibang bansa at may mga kagamitan na donasyon din ng iba’t ibang mga bansa.

Pero paliwanag ni PNP Directorate for Investigation and Detective Management Director PMaj. Gen. Marni Marcos, ang kanilang ginawa ay base sa bagong patakaran na binuo dahil sa pandemya.

Ikinatwiran ni Marcos na nagsagawa ng soft embalming sa bangkay ni Dacera dahil ito ay nanggaling sa iba’t ibang bansa at nag-stay pa sa isang quarantine hotel.

Facebook Comments