PNP, nilinaw na ang hawak na yantok ng mga pulis ay para sa mga bayolenteng quarantine violators

Para sa mga bayolenteng quarantine violators lang ang mga yantok ng mga pulis sa halip na bumunot ng baril.

Ito ang nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas.

Aniya, ito rin ang ibig sabihin ni Deputy Chief for Operations Cesar Hawthorne Binag nang sabihin nito na ang yantok na dala ng mga social distancing patrollers ng PNP ay pwedeng pamalo sa mga quarantine violators.


Ginawa ni Sinas ang paglilinaw matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na bawal ng paluin ng yantok ang quarantine violators.

Paliwanag ni Sinas, pinagamit nila ang mga yantok sa mga pulis dahil naubusan na sila ng batuta, at mas naangkop ang haba nito para panukat sa isang metrong social distancing requirement ng quarantine protocols.

Matatandaang una nang sinabi ni Sinas na ang pag-gamit ng mga social distancing patrollers ng batuta at yantok ay para ma-“minimize” ang physical contact ng mga pulis sa mga tao, para narin maiwasan ang pagkahawa hawa ng sakit.

Inaasahan na kasi nila na dadagsa ang mga tao sa mga mall at iba pang pampublikong lugar, at gusto lamang ng PNP na pangalagaan ang kaligtasan mula sa sakit ng kanilang mga tauhan na nakatalaga sa mga lugar na maraming tao.

Facebook Comments