Binigyang linaw ng Philippine National Police (PNP) na ang salitang “neutralize” ay hindi nangangahulugang pagpatay.
Ayon kay PNP Public Information Office (PNP-PIO) Chief Police Brigadier General Jean Fajardo, tatlong dating PNP Chief na rin ang nagsabi na ang interpretasyon ng salitang neutralize ay “arrest”, “capture” at “surrender” ng suspek o offender.
Malinaw aniyang nakalagay ang kahulugan nito sa kanilang Police Operational Procedure.
Nauna nang kinontra ni dating PNP Chief at ngayo’y Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa si Atty. Chel Diokno ng Free Legal Assistance Group nang sabihin nito sa pagdinig sa Senado na hindi malinaw ang ibig sabihin ng salitang ‘neutralize’ sa isang PNP circular kaugnay ng pagpapatupad noong administrasyong Duterte ng Oplan Double Barrel.