Nilinaw nang Philippine National Police (PNP) na hindi sila nagpapabaya sa pagtutok sa kaso ng pagdukot sa dating aide ni Tanauan Mayor Antonio Halili na ang negosyanteng si Allan Fajardo.
Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac kasunod na rin mga pahayag na umano’y pulis ang mga gumawa umano ng pagdukot sa naturang negosyante.
Sinabi ni Banac na makabubuting huwag munang pangunahan ang imbestigasyon at hindi rin makatutulong kung magbibigay o pakikinggan ang anumang ispekulasyon.
Welcome naman aniya sa pamunuan ng PNP ang pagpasok ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso.
Sa ngayon pinabubulaanan nila ang mga pahayag na hindi umano tinututukan ng PNP ang kaso ni Fajardo.
Hindi rin aniya mangingiming parusahan ang sino mang indibidwal, grupo o mapa pulis man sakaling mapatunayan na nagkasala sila sa kaso ng pagdukot kay Fajardo.
Sinasabing si Allan Fajardo ay lider umano ng Fajardo Criminal Gang sa Region 4A.