Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi mga sabungerong nawawala ang kumakalat na larawan sa social media na labi na mga kalalakihan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Brigadier General Rhoderick Augustus Alba, ang mga larawang kumalat sa social media ay labi ng mga biktima ng pananambang na nangyari noong February 12, 2022 sa Guindulungan, Maguindanao.
Sa pananambang noong February 12 ay sampu ang nasawi na makikita sa larawan na kumakalat.
Suspek sa pananambang ang 22 katao kabilang ang village chairman na tumatakbong vice mayor ng Maguindanao.
Sa ngayon, may 31 sabungerong nawawala na patuloy na pinaghahanap PNP.
Una nang tiniyak ni PNP Chief General Dionardo Carlos sa pamilya ng mga nawawalang sabungero na ginagawa nila ang lahat para matukoy ang kinaroroonan ang mga nawawala nilang kaanak.