Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) PIO Chief PBGen. Jean Fajardo na hindi nila tahasang sinabi na life threatening ang sakit ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay Fajardo, bumase lamang sya sa report ng PNP General Hospital na posibleng life threatening ang sakit ng pastor dahil sa mga nakalipas nitong medical procedures.
Nitong Biyernes maaalalang isinugod sa Philippine Heart Center si Quiboloy dahil umano sa paninikip ng dibdib at irregular heart beat.
Kasunod nito, sinabi ni Fajardo na mabuti at binigyang linaw ng kampo ni Quiboloy na hindi naman life threatening ang kondisyon nito sapagkat hindi na kailangan pang ma-hospital arrest ng pastor.
Sa ngayon, natapos na ang ilang medical test kay Quiboloy kabilang ang CT Scan, Ultrasound, XRay, Stress test, 2d echo kung saan hinihintay na lamang ang resulta.
Mayroon na rin inilabas na medical abstract ang Philippine Heart Center pero hindi maaaring isapubliko dahil na rin sa doctor and patient confidentiality rule.
Si Quiboloy ay nakatakdang ibalik sa kanyang selda sa PNP Custodial Facility sa November 16, Sabado matapos palawigin ng korte ang kanyang medical furlough.