Binigyan diin ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa babalik sa normal ang pamumuhay ng publiko kahit pa isasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang ilang lugar sa bansa.
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Chief Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, kahit magkakaroon ng dahan-dahan na pagbabago sa paghihigpit sa mga umiiral na quarantine ay hindi ibig sabihin nito na balik na sa normal ang sitwasyon.
Nilinaw ni Eleazar na mananatili pa rin ang mga checkpoint kahit pa sa mga lugar na isasailalim na lamang sa GCQ.
May ilalabas na alituntunin ang PNP para mas maging malinaw sa mga pulis na nagmamando ng checkpoint.
Sa ilalim ng GCQ, ipagbabawal pa rin ang pag-aangkas sa motorsiklo at mahigpit pa rin ipapatupad ang social distancing at pagsusuot ng face mask.
Simula sa May 16, nasa tatlumput walong (38) probinsya at labing dalawang (12) lungsod sa bansa na ikino-konsiderang “moderate risk” ang isasailalim na sa GCQ.
Habang mula naman sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay magiging Modified Enhanced Community Quarantine na sa Metro Manila, Laguna at Cebu City.