
Pinanindigan ng Philippine National Police (PNP) na hindi nito tinanggalan ng security escorts si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, bahagi ng umiiral na Commission on Elections (COMELEC) resolution No. 11067 ang pag-recall sa security personnel ng mga government official at elected official sa buong bansa.
Ani Fajardo, bukod sa dalawang security detail na tinanggal sa senador ay may natitira pang apat na protective security personnel na nakatalaga kay Sen. Dela Rosa na pawang aprubado ng certificate of authority o exemption mula sa COMELEC na mananatili hanggang June 11, 2025.
Nakasaad sa naturang resolusyon na dalawang security personnel lamang ang dapat na italaga sa isang indibidwal, maliban na lamang kung may kinakaharap itong banta sa kanyang buhay batay na rin sa isinagawang threat assessment at desisyon ng poll body.