Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi na kailangang harangin ang mga motorista sa mga checkpoints para impeksyunin na nasa loob ng National Capital Region o “NCR plus” bubble.
Kasunod na rin ito ng nangyaring kalituhan sa unang araw ng pagpapatupad ng travel restrictions kahapon kung saan hindi pinayagang makapasok ng Quezon City ang mga manggagawa na nakatira sa Rizal.
Sa interview ng RMN Manila kay PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, sinabi nito na malinaw sa travel restriction na ang mga residente na nasa loob ng NCR plus ay malayang makababyahe sa mga lugar na sakop ng bubble, pero hindi pwedeng lumabas sa bubble.
Habang ang mga residente sa labas ng bubble ay papayagan lang makapasok sa NCR plus kung essential ang kanilang byahe.
Nabatid na ang mga lugar na nakapaloob sa NCR plus bubble ay ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Ayon kay Eleazar, bagama’t may mga itinayong mga checkpoint ang PNP sa loob ng NCR plus, ito ay para lang ma-monitor ang galaw ng mga residente partikular pagdating ng curfew hours upang matiyak na nasusunod ang mga umiiral na health protocols.
Samantala, inihayag ni Department of the Interior and Local Government Barangay Affairs Usec. Martin Diño na huhulihin at kakasuhan na ang mga residenteng lalabag sa health protocols tulad na hindi pagsusuot ng face mask at face shield.