Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar na nasa 27 pa rin ang bilang ng PNP personnel na nasawi dahil sa COVID-19.
Ito ay matapos na isapubliko ng PNP-Public Information Office (PNP-PIO) sa kanilang Facebook page kagabi na 28 na sa kanilang hanay ang nasawi dahil sa COVID-19.
Ayon kay Gen. Eleazar, batay sa kanyang pagkumpirma sa PNP Health Service, ang tinukoy na nasawi na isang 32-anyos na Non-Commission Officer na nakatalaga sa Special Action Force, mula sa Tarlac, ay namatay sa isang vehicular accident at hindi dahil sa COVID-19.
Bukod dito, pareho naman ang lahat ng ibang datos ng ASCOTF at PNP-PIO sa bilang ng PNP personnel na nag-positibo sa COVID-19 na nasa 9091, kung saan 8722 sa mga ito ang nakarekober, at 341 ang aktibong kaso.
Sa huling ulat pa ng PNP, 33 ang bagong recoveries at 25 bagong-talang kaso sa hanay ng PNP.