PNP OIC Gamboa, kinontra ang pahayag ni VP Leni na “massive failure” ang drug war ng gobyerno

Manila, Philippines – Pinabulaanan ni PNP OIC PLt. Archie Francisco Gamboa na “massive failure” ang drug war ng pamahalaan.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Vice President Leni Robredo na 1 percent lang ang kanyang grado sa tagumpay ng drug war batay na rin sa kanyang mga nadiskubre sa kanyang panahon bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD.

Ayon kay Gamboa, ang 18 araw na itinagal ng Vice President sa ICAD ay masyadong maikling panahon para magkaroon ng komorehensibong pagtaya sa sitwasyon ng illegal na droga sa Pilipinas.


Pero pinasalamatan ni Gamboa ang bise presidente sa kanyang pagseserbisyo sa ICAD.

Ngunit hindi aniya maituturing na “failure” ang pagkakalansag ng pamahalaan ng 14 na clandestine labratories na nagresulta sa pagkawala ng locally manufactured shabu sa mercado sa kasalukuyan.

Hindi rin maikukunsiderang “failure” ang pagkakakumpiska ng 5.1 tonelada ng shabu 2.2 tonelada ng marijuana 500k cocaine at 42,473 ecstasy pills na may kabuuang halagang 40.39 billion piso.

Dahil ito sa ginawa nilang 151,600 magkakahiwalay na anti-drug operations simula noong 2016 hanggang sa kasalukuyan na nagresulta sa pagkaaresto ng mahigit 220-libong drug violators kung saan mahigit 8,000 ang high value targets, at pagkamatay ng 5,000 drug offenders at 55 pulis.

Facebook Comments