
Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay at pagpapatrolya sa mga komunidad lalo na sa mga kabahayan at establisyamentong maiiwan ngayong darating na Undas.
Ayon kay PNP Acting Chief Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr. iniutos na niya sa mga police units sa bansa ang pagpapaigting ng pagpapatrolya lalo na sa mga residential area.
Layon nito na maiwasan ang insidente ng nakawan at panloloob sa mga kabahayan at establisyamento.
Bukod dito, ay nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga barangay ng bawat lugar sa bansa para sa kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan sa mga mapansamantalang mga kawatan.
Nagbigay rin ng paalala ang ahensya sa publiko na wag agad i-post sa social media ang mga aktibidad, siguraduhing nakakandado ang mga pintuan at ibilin sa mga mapagkakatiwalaang tao ang maiiwang bahay.









