Tatapatan ng Philippine National Police (PNP) ng preventive security measures ang posibleng maganap na krimen.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Red Maranan inatasan na ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang lahat ng police units sa bansa na paigtingin pa ang kanilang kampanya kontra krimen.
Kasama dito ang paglalatag ng checkpoint, paghahain ng warrant of arrest sa mga wanted persons at pagsisilbi ng search warrant kontra loose firearms.
Samantala, ipinagutos din ni Azurin sa PNP Highway Patrol Group ang pagpapaigting sa anti-carnapping operations.
Ang pahayag ng PNP chief ay kasunod na rin ng magkakasunod na ambush incident.
Matatandaan nitong Biyernes, tinambangan ang convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. sa Kalilangan, Bukidnon kung saan sugatan ang gobernador maging ang kanyang aide pero nasawi naman ang 4 nyang bodyguards.
Nitong Linggo naman, nasawi ang 6 na katao kabilang ang bise alkalde ng Aparri, Cagayan na si VM Rommel Alameda dahil sa nangyaring pananambang sa Bagabag, Nueva Ecija.