
Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatrolya nito sa mga baybayin para maiwasan ang pagpuslit ng mga iligal na droga at kontrabando sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay mula sa utos ni acting chief PNP PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., matapos na marekober ang isang duffle bag na may lamang high-grade marijuana o kush.
Dahil dito, inatasan na ni PNP Chief Nartatez ang PNP Maritime Group at mga Police Regional Office (PRO) sa bansa para magsagawa ng community patrols lalo na sa mga coastal area.
Dagdag pa nya, hindi ito ang unang beses na nakarekober ang mga awtoridad ng mga iligal na droga sa karagatan ng bansa.
Matatandaan na noong nakaraang sabado ang Philippine Navy, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at PNP ay nakarekober ng 32 heat-sealed plastic packs ng tuyong dahon na hinihinalang high-grade marijuana o kush na may bigat na mahigit-kumulang 16 na kilo at tinatayang nasa P19.2 milyon ang halaga.
Kaugnay rito, binigyang-diin ni Nartatez ang kahalagahan ng close coordination ng PNP at PDEA para malaman ang pinanggalingan at ang posibleng kaugnayan nito sa iba pang mga nasamsam na kontrabando.









