Hinihikayat ngayon ng Pangasinan Police Provincial Office ang mga establisyementong nag-ooperate ng bente kwatro oras na operasyon na magtalaga o maglagay ng gwardya at CCTV upang makaiwas sa krimen lalo na at papalapit ang kapaskuhan.
Sa isang panayam sinabi ni Pang. PPO Provincial Dir. PCol. Jeff Fanged na upang hindi umano magaya sa ibang establisyemento na manakawan o masalisihan ay magtalaga ng mga gwardiya at mag-install ng mga CCTV upang magbantay sa kanilang mga pwesto.
Ito ay matapos isagawa ang malalimang pagsisiyasat ng hanay ng PNP sa isang convenience store sa bayan ng Sta. Barbara matapos manakawan ng madaling araw at napag-alaman nila na walang nakatalagang security guard.
Dahil sa insidente, nagbaba ng memorandum ang PNP Pangasinan sa lahat ng mga Chief of Police ng bawat bayan sa lalawigan upang i-account o magkaroon ng listahan sa mga establisyementong nag-ooperate ng 24-oras.
Dagdag pa ng opisyal, magpapatawag umano ito ng pagpupulong sa lahat ng mga managers sa lalawigan upang pag-usapan ang magiging hakbang para makaiwas sa pagnanakaw ng mga kawatan.
Samantala, sinabi pa ng opisyal na inaasahan na nilang muling tataas ang kaso ng theft at robbery sa lalawigan dahil sa kapaskuhan ngunit nangako naman ito na mananataling naka-alerto 24/7 ang hanay ng kapulisan. | ifmnews
Facebook Comments