PNP PANGASINAN, NAKITA ANG UNTI-UNTING PAGBABA NG SUPLAY NG ILIGAL NA DROGA NA UMIIKOT SA LALAWIGAN

LINGAYEN, PANGASINAN – Ipinagmamalaki ngayon ng pamunuan ng Pangasinan Police Provincial Office kung saan nakitaan ngayon ng pagbaba ang suplay ng iligal na droga dito sa probinsya.

Ayon kay PNP Provincial Director Police Col. Richmond Tadina, base sa kanilang monitoring mula sa mga isinasagawang operasyon kontra iligal na droga ay lumalabas na kakaunti na lamang ang suplay ng droga na maaaring umiikot sa lalawigan.

Pagpapatunay nito na abot na lamang sa 25 na gramo ang pinakamarami ang kanilang nakumpiska mula sa ilang operasyong isinagawa laban sa mga ilang indibidwal na hindi tulad umano sa mga nakalipas na panahon na maramihan at bultuhan ang nakukumpiskang suplay ng droga mula sa mga nahuhuling suspek.

Bukod dito, paliit na rin ng paliit aniya ang bilang ng mga personalidad na nasasangkot sa iligal na droga na nag iindika na malaki na ang ang nabawas sa operasyon at transaksyon ng iligal na droga sa lalawigan.

Tiwala naman ang opisyal na bago sumapit ang buwan ng Hunyo ngayong taon ay madadagdagan pa ang bilang ng mga barangay sa Pangasinan na tuluyang ma-ideklarang drug clear ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasabay ng pagkakadeklara at paggawad sa mga munisipalidad at siyudad ng Anti Drug Abuse Council ng mga pagkilala kasabay ng panawagan at programa kontra iligal na droga.

Malaki rin umanong bahagi sa ngayon ang pagpapatupad ng quarantine checkpoints na kalaunay ginawang COMELEC Checkpoints sa pagsawata sa pagsasagawa ng ilang indibidwal ng iligal na transaksyon at kriminalidad. | ifmnews

Facebook Comments