Nasa limang porsyento na ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang nabakunahan laban sa COVID-19.
Mahigit doble ito sa national average na 1.5 percent lang, kung saan mahigit 1.7 milyon sa 110 milyong populasyon ng buong bansa ang naturukan sa vaccination campaign ng gobyerno.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, nasa 11,185 na ang kanilang mga tauhan na naturukan ng unang beses ng bakuna.
9,185 dito ay tumanggap ng Sinovac, 1,994 ang AstraZeneca, apat ang Moderna at dalawa ang Pfizer.
2,437 naman ang nakakumpleto na ng ikalawang dose ng Sinovac.
Sa ngayon, tuloy-tuloy rin ang mass testing ng PNP sa kanilang mga tauhan at naisalang na sa RT-PCR test ang 135,705 tauhan mula sa 219,602 nilang pwersa o 61.8 porsyento.