Nagsimula nang magsanay para sa contact tracing ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, nasa 90 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) mula sa iba’t ibang rehiyon ang lumahok sa programa.
Pinangunahan ni Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang isinagawang initial training.
Ang mga nasabing tauhan naman ang siyang naatasang magsanay sa mga local police personnel sa kani-kanilang rehiyon.
Kasabay nito, nilinaw ni Banac na ang mga local government unit at health officials pa rin ang mangunguna sa contact tracing operation sa mga komunidad at magsisilbi lang suporta ang mga pulis.
Kamakailan lang nang hingin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tulong ng pulisya sa pagtugon sa banta ng COVID-19.
Inatasan din nito si Interior Secretary Eduardo Año na magpakalat ng mga pulis na tutulong sa pagbiyahe at paghahatid sa mga contract tracers sa bahay ng mga pasyenteng may COVID-19.