PNP, pinaaalis na sa ni-raid na POGO site sa Las Piñas; mga vault na sapilitang kinuha, pinababalik!

Nagbigay ang kampo ng mga biktima ng di umano’y human trafficking mula sa ni-raid na POGO sa Las Piñas nitong June 26 ng ultimatum sa Philippine National Police (PNP).

Base sa panibagong demand letter ng Xinchuang Network Technologies Inc. na kinakatawan ni Atty. Ananias Christian Vargas nais nilang lisanin ng mga pulis ang naturang premises sa loob ng 24 oras gayundin ang pagbabalik ng nasa 124 na safety deposit boxes o vaults na kinumpiska at sinira umano ng mga pulis, kasama na ang pagbabayad sa mga pinsala na idinulot nito.

Ayon kay Atty. Vargas, kapag hindi tumalima ang PNP ay magsasampa sila ng panibagong kaso.


Giit pa ng kampo ng mga biktima, hindi narin sakop ng hurisdiksiyon ng PNP ang kaso kung hindi dapat ang Bureu of Immigration na ang may kostudiya sa mga foreign nationals.

Sinabi pa ni Vargas na 7 araw na mula nang salakayin ng mga awtoridad ang nasabing establishemento kung kaya’t marapat lamang na tapos na ang isinasagawa nilang dokumentasyon.

Una nang sinabi ng PNP na bibigyan nila ng patas na imbestigasyon ang kaso at handa silang harapin ang akusasyon ng naturang POGO firm sa proper forum.

Facebook Comments