PNP, pinabulaanan ang alegasyon ng KARAPATAN na tumanggi ang Antipolo Police na i-release ang bangkay ng apat na aktibista na napatay sa police operation

Hindi totoo ang alegasyon ng KARAPATAN na pinigilan ng mga pulis ang pag-release ng mga bangkay ng apat na aktibista sa Antipolo.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Ildebrandi Usana.

Aniya, batay sa ulat ng PNP Provincial Director ng Rizal, ang KARAPATAN ang naging dahilan ng kaguluhan nang magpumilit ang mga ito na pumasok sa punerarya kasama ang mga pamilya ng mga namatay na walang abiso.


Gusto raw ng may-ari ng punerarya na papasukin ang mga pamilya pero hindi pinayagang makapasok ang mga miyembro ng KARAPATAN dahil labag na sa health protocols ang masyadong maraming tao sa loob ng punerarya.

Giit pa ng PNP Spokesperson, sa mga miyembro lang ng pamilya maaring i-release ang bangkay ng kanilang kaanak, at humingi ng tulong sa PNP ang may-ari ng punerarya para kasuhan ang KARAPATAN sa panggugulo nila.

Matatandaang ang apat na aktibista ay kabilang sa 9 na nasawi matapos umanong manlaban sa mga pulis makaraang sabay sabay na isilbi ng 24 oras ang search warrant sa iba’t ibang lugar sa Calabarzon nitong nakaraang linggo.

Facebook Comments