Manila, Philippines – Walang katotohanan ang reklamo ni Senator Leila De Lima na hindi inaaprobahan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga hiling na makadalaw ang kanyang mga bisita lalo na ang mga banyagang bisita sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ang lugar kung saan nakakulong ang Senadora.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt Dionardo Carlos, at batay sa rekord ng PNP Custodial Center labing apat na bisita lamang ni De Lima simula February 24, 2017 nang makulong ito sa PNP Custodial center ang hindi pinayagang makadalaw.
Ito ay dahil sa may pagkukulang ang kanyang mga staff at representative sa pagsunod sa protocol ng PNP.
Isa dito ay ang hindi pagpayag sa apat na banyaga na gustong dumalaw kay De Lima noong July 22, at September 19 ito dahil sa hindi sila kasama sa listahan ng mga bisita na aprubado ng senadora.
Nanindigan si Carlos na sumusunod lamang sila sa ipinatutupad na rules and regulations ng PNP at wala aniyang basehan ang mga reklamo ni De Lima na hindi siya tinatatrato ng maganda katulad nang kanyang pahayag.