Itinabi lang ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit P300-M na cash na nakuha mula sa ikinasang raid sa 2 Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa Las Piñas City at Pampanga.
Ayon kay PNP Public Information Officer (PIO) Chief PBrig. Gen. Jean Fajardo ang mga pera ay nasa kustodiya ngayon ng PNP at handa aniya silang tumalima sa kautusan ng korte kung saan nila ito ituturn-over.
Ang pahayag ni Fajardo ay makaraang lumabas ang mga reports na nawawala na ang mga pera matapos salakayin ng pulisya ang mga POGO hubs.
Paliwanag pa nito, ang misinformation hinggil sa naturang pera ay ginagamit lamang ng mga kalaban para tanggalan ng kredibilidad ang Pambansang pulisya.
Sa datos ng PNP P187.82-M ang nasabat sa Clark Freeport POGO hub noong Mayo, habang ang P117.18-M naman ay nakumpiska sa raid sa isang POGO sa Las Piñas City.