Binabalaan ng PNP ang publiko na mag-ingat sa bagong modus ng mga mandurukot sa pampublikong sasakyan.
Ito’y matapos na kumalat sa social media ang post ng isang muntik mabiktima ng grupo ng 5 magkakasabwat sa loob ng isang pampasaherong jeep.
Modus ng grupo na buhusan ng toyo o oyster sauce ang damit ng biktima at habang tinutulungan kunyari ng isang miyembro ng grupo, sasamantalahin ng iba ang pagkakataon para dukutan ang biktima.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Red Maranan, evolution ito ng dating modus ng ‘dura-dura gang’ at ‘bubble-gum gang.’
Payo ni Maranan sa mga makararanas ng ganitong pangyayari, ‘wag kumprontahin ang mga kriminal at baka armado ang ang mga ito at maiging tandaan na lamang ang kanilang mukha para mai-report sa pulis.
Mainam ding kunin ang plaka ng sasakyan dahil kalimitan aniya ay kilala ng mga drayber ang mga suspek.