
Pinaigiting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay at ang intelligence gathering nito para mapigilan ang anumang recruitment o pagsasanay kaugnay ng terorismo sa Mindanao.
Ito ay matapos ang naging pahayag mula sa isang grupong nagbabantay ng karahasan at nagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao kung saan may isinasagawang recruitment at training umano ang grupong Dawlah Islamiyah (DI) sa Lanao at Maguindanao.
Matatandaan na pinaniniwalaang ang grupong Dawlah Islamiya ang nagsagawa ng pananambang na nagresulta sa pagkasawi ng apat na sundalo noong Enero 23 sa Munai, Lanao del Norte.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr., na minsan na ring nagsilbi bilang pinuno ng Area Police Command–Western Mindanao, na bagaman walang anumang banta ay sineseryoso nila ang impormasyong ito at tiniyak na patuloy ang kanilang pagmomonitor sa sitwasyon ng mga nasabing lugar.
Dagdag pa ni Nartatez, nananatiling alerto ang kanilang hanay pati na rin sa koordinasyon sa militar sa Lanao at Maguindanao para sa mga posibleng banta sa kapayapaan sa lugar.










